12 Bata nina Sotto at Robles Titindig Ulit sa Asian Games

by | Aug 11, 2018

NALAOS ang 12-katao kegler ng Pilipinas sa 17th Asian Games 2014 sa Incheon, South Korea nang mangitlog sa medalya.

Kaya atat magpasikat ang nasabi pa ring bilang na mga mga bata na ngayon nina Philippine Bowling Federation chairman, Sen. Vicente Sotto III at president Steve Robles sa 18th AG 2018 sa darating na Agosto 18-Setyembre 2 sa Jakarta-Palembang, Indonesia.

Balik-Asiad sa taong kasalukuyan ang mga sumabak na rin sa kompetisyon may 4 na taon na ang nakalilipas na sina Jo Mar Roland Jumapao, Kenneth Chua at Enrico Lorenzo Hernandez sa men’s team, at sina Marian Lara Posadas, Marie Alexis Sy at Ma. Liza del Rosario sa women’s squad.

Nasa koponan din nina coaches Josephine Cañare at Engelberto Rivera sina Raoul Miranda, Merwin Matheiu Tan at Angelo Kenzo Umali, at sina  Ma. Lourdes Arles, Dyan Coronacion at Rachelle de Leon.

Lumalagay na pan-5 sa pangakalahatang katayuan sa 14 na bansa sa medal table ang Team PHL sa Asiad tenpin bowling sa 7-8-8 gold-silver-bronze. Ang best-finish ay nang mag-champion sa debut ng sport sa 9th AG 1978 sa Bangkok, Thailand sa 3-3-2 G-S-B na binida ni Olivia ‘Bong’ Garcia-Coo.

Pinamunuan niya ang gold-silver sweep ng PH bowlers sa women’s singles at Masters bukod pa sa kinarga rin sa tagumpay ang team-of-5 kasama sina Lita dela Rosa, Rosario de Leon, Lolita Reformado at Nellie Castillo.

Bukod sa Incheon, inalat din ang Pinas sa AG bowling nang mabokya rin noong 2006 sa Doha, Qatar ang mga Pinoy pintoppler.(Ramil Cruz)

 

Sports