3 Bata ni Carter Butata sa Croatia

by | Aug 7, 2018

NANGITLOG SA medalya ang 3 bata ni Philippine Judo Federation president David Carter na kumampanya sa kababalibag na International Judo Federation 2018 World Tour Zagreb sa Croatia.

Pinakamataas na ang naging pagtatapos sa pampito ni Kiyomi Watanabe sa women’s -63-kilogram mula sa 26 na kalahok nang mabigo sa isang Canadian sa repechage bronze match, 0-110.

Lumagpak ang reigning three-time Southeast Asian Games champion sa repechage makaraang yumukod sa isang Japanese sa quarterfinals, 0-100.

Hindi nasustena ni Watanabe ang mainit niyang simula makaraan ang mga paghakbang sa tig-isang German (100-0) at Italian (10-0) sa first two rounds.

Nasipa naman agad ang kambal na mag-utol na Nakano na sina Shugen sa men’s 66-kg. at Keisei sa men’s -73kg sa tatlong araw na kompetisyong sinabakan ng 513 judokas (329 men at 184 women) mula sa 78 bansa sa 5 kontinente.

Ura-uradang tumilapon si Shugen sa taga-Hungary, 0-100, para makatapos na ika-46 mula sa 51 kasali, samantalang tumimbuwang si Keisei sa Kazakhstan bet, 0-100, at mapunta sa 54th place buhat sa 54 bets.

Ang pagbahagi ng Nationals sa torneo ay bahagi ng preparasyon para sa sasabakang 18th Asian Games 2018 sa parating na Agosto 18-Setyembre 2 sa Jakarta-Palembang, Indonesia.

Hindi nakasama sa Croatia ang dalawa pang mga pa-Asiad din na sina Mariya Takahashi na hindi pinayagan ng Shukuga Gakuin High School sa Kobe, Japan, at si Megumi Krayoshi. (Ramil Cruz)

Sports