59-taong Tagtuyot sa AG Shooting Gold o 15-taon sa Medalya, Tatapusin na ng mga Bata ni Singson!

by | Aug 7, 2018

NAKAATANG sa balikat ng 4 na atleta na tuldukan na ang tagutuyot sa gold medal sa nakalipas na 14 na edisyon sa 59 na taon o ang pagkabokya naman sa medalya sa nagdang tatlong edisyon o 15 taon para sa Pilipinas.

Ito’y kapag nagkatudlaan na sa shooting competition ng 18th Asian Games 2018 sa Jakarta-Palembang, Indonesia sa parating na Agosto 18-Setyembre 2.

Makikipagputukan para sa nasabing misyon ang mga bata nina Philippine National Shooting Association chairman Ildefonso Trongued at president Luis Singson.

Sila ay sina Amparo Teresa Acuna, 21, at Jayson Valdez, 23, para sa rifle events. At sina Hagen Alexander Topacio, 29, at Joaquin Miguel Ancheta, 38, na makikipagtagisan naman sa trap shotgun.

Sa nakaraang 17 AG na ginaganap tuwing apat na taon, nakasapol na ang Filipino marksmen ng 5-12-15 gold-silver-bronze medal.

Nakaasinta ng 4 na gold sa inagurasyon noong 1954 sa Manila Asiad bukod pa sa tig-a-4 na silver at bronze. May 1-2-2 noong 1958 sa Tokyo bago hindi na nanalo ng gold mula sa 1962 Jakarta Games hanggang sa 2014 Incheon AG.

Huling nakadale ng gold sa para sa Phil. squad si Adoldo Feliciano noong 1958 sa men 300-meter rifle position.

Samantalang ang last medal ng mga Pinoy shooter ay ang 2 bronze sa 2002 Busan mula kina Jethro Dionision sa men trap individual at kasama niya sa men team trap team sina Eric Ang at Jaime Recio. (Ramil Cruz)

Sports