Cray, Aprub na Sa Asian Games

by | Jul 3, 2018

Maituturing nang solido at palaban ang miyembro ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) sa pagpayag nitong makasama sa pambansang koponan ang Rio de Janeiro Olympian at Southeast Asian Games gold medalist na si Eric Shawn Cray na sasabak sa gaganapin na 18th Asian Games sa Palembang at Jakarta, Indonesia.

Sinabi ni PATAFA president Philip Ella Juico na kanilang binigyan ng konsiderasyon ang mahigpit na sitwasyon ni Cray na kinakailangan nitong magbigay ng mas mahabang oras sa pagtratrabaho kumpara sa pagsasanay dahil sa binubuhay nitong apat na anak at asawa.

“We allow him to join the national team, but on several consideration,” sabi ni Juico habang kasalo ang buong mga miyembro ng pambansang koponan na nakatakdang lumipat sa bagong bukas na Vermosa Sports Hub sa Imus, Cavite na magsisilbing training camp ng track and field team.

“Medyo nahirapan siya dahil paiba-iba iyung nakukuha niyang monthly allowance. Kinailangan niyang maghanap ng extra income dahil hindi na kayang masustain ng nakukuha niyang allowance kung hindi siya magtatrabaho. He still has two months to prepare for the Asian Games,” sabi pa ni Juico.

Kasama ang kapwa sprint specialist na si Anthony Trenten Beram ay muntik na mapatalsik sa listahan ng mga atleta si Cray dahil sa paglabag sa disiplinang ipinapasunod ng pamunuan ng PATAFA. Gayunman, nagpaliwanag ang kampo ni Beram na napagod ito ng husto dahil sa paglahok sa isang torneo sa Amerika at sa Philippine Open.

Dapat sanang makasama ang dalawa bilang parte ng binubuong 4x100m relay team kung saan ang Pilipinas ang dating may hawak sa SEA Games record sa pagtungo sa krusyal na South Korea Athletics Open subalit hindi na nakabalik sa bansa upang maimbestigahan ng kanilang asosasyon.

Ito din ang naging pahayag ng binuo na investigating committee na binubuo nina PATAFA director Janet Obiena, Secretary General Reynato Unso at Vice-president Nicanor Sering.

Samantala’y umaasa si Juico na papayagan ng Asian Games Task Force na makasama ang pitong iba pa nitong miyembro upang idagdag sa naunang walong miyembro na nakakuwalipika sa itinakdang criteria ng POC.

Ang pito ay sina pole vaulter Natalie Uy, sprinter Cristina Knot, 800m specialist Lily Carter, long jumper Junrey Ubas, 110m hurdler Clinton Clark Bautista, sprinter Anfernee Lopena at Francis Medina (400m hurdles).

Una nang nakapasok sa listahan sina 3-time Olympian Marestella Torres-Sunang (long jump), marathoner Mary Joy Tabal, pole vaulter EJ Obiena, middle-distance runner Marco Vilog, triple jumper Harry Diones, decathlete Aries Toledo at mga sprinter na sina Beram at Cray.

Sports