Delegasyon ng Pilipinas para sa Asiad, Nabawasan ng Magagaling na Atleta.

by | Aug 4, 2018

Nabawasan na ang orihinal na bilang na 272 ng mga atleta na isasabak ng bansa para sa kampanya nito sa darating na 18th Asian games ngayong Agosto 18 hanggang Setyembre 2 sa Jakarta at Palembang Indonesia.
Ito ay matapos na magkumpirma ng kanilang hindi pagsali ang ilang batikang pambato ng bansa para sa quadrennial meet bunsod ng ilang personal na dahilan, habang ang iba naman ay may iniindang karamdaman.
Una na sa listahan ng hindi makakasama sa Asiad ay ang dating gold medalist  sa Incheon, South Korea at BMX rider na si Daniel Caluag, kung saan, hindi nagbigay ng  malinaw na dahilan kung bakit hindi makakasama ang nasabing Fil-am rider.
Bigo din na makasama ang 2015 SEA Games gold medalist na isa pang siklista na si Marella Salamat, bunsod naman ng hindi pagtutugma ng kanyang skedyul para sa eskwelahan, kung saan hindi ito pinayagan ng mismong pamunuan ng university of the East (UE) kung saan siya kumukuha ng kursong Dentistry.
Hindi din makakalahok sa naturang prestihiyisong kompetisyon ang premyadong bowler na si Krizziah Tabora, sanhi naman ng seryosong kondisyong pangkalusugan, kung saan humingi siya ng paumanhin sa kanyang mga tagasubaybay dahil sa di inaasahang sitwasyon niya ngayon.
Liliban din sa Asiad ang swimmer na si James Deiparine bunsod ng iniindang sirang tuhod, gayundin ang volleyball player na si Ces Molina na may injury din sa kasalukuyan at ang isa pang siklista na si Eleazar Barba na na may kaparehong dahilan.
Bukod sa mga nasabing atleta, hindi na din lalahok ang men’s basketball team para sa 5x5 men’s event sa naturang labanan sa Indonesia, matapos na tuluyang umatras ang Samahang basketbol ng Pilipinas (SBP) na magpadala ng koponan.
Sa kabila nito, mataas pa rin ang morale ng mga opisyales ng Philippine Sports Commission (PSC) at ng Philippine Olympic Committee (POC) na kakayanin ng mga natirang atleta na makapag-uwi ng medalya at itayo ang bandila ng bansa para nasabing kampanya.
 Annie Abad

Sports