DISGRASYA! Mga Bata nina Zubiri, Cañete Nasilat ng mga Kano sa Hawaii

by | Jul 29, 2018

SA hindi inaasahang pagkakataon, nakapanlulumong nadisgrasya ang mga bata nina Philippine Eskrima Kali Arnis Federation  Inc. chairman-president, Sen. Juan Miguel ‘Mig’s Zubiri at PEKAFI executive vice president Gerald Cañete sa ginanap noong Hulyo 18-23 na 15th World Eskrima Kali Arnis Federation 2018 World Championships sa Lahaina Civic Center sa Maui, Hawaii, USA.

Napatalsik sa pangkalahatang kampeonato ang Pilipinas ng Estados Unidos nang makalikom lang ang Nationals ng 39-24-32 gold-silver-bronze medal, malayo sa nakopo ng mga Amerikano na 101-79-80.

Sa ika-14 na edisyon noong isang taon sa Mandaue City, nadale ng mga Pilipino ang overall championship sa nasakoteng 67-65-50 laban sa 41-29-34 ng mga Kano.

Ikatlo sa final medal standing ng katatapos na paligsahan ang Hawaii & Pacific Region na may 14-25-15. Nasa ika-4 hanggang ika-9 ang Australia (13-12-23), Italy (9-2-7), Britain (6-3-4), China (1-0-2), Romania (0-0-2) at Slovakia (0-0-1).

Mahigit 300 stick fighters sa 14 na bansa ang lumahok sa 6 na araw na kompetisyon, nagsilbing preparasyon ng Pinoy arnisadors para sa 30th Southeast Asian Games sa darating na Nobyembre 30-Disyembre 10, 2019 sa bansa.

Naging pampalubag-loob sa PHL stickfighters ang 1-2-3 finish sa individual performer nina Dexler Bolambao na kababayang Leyteño ni Philippine Sports Commission commissioner Ramon Fernandez pero mula sa San Isidro na naging most bemedalled sa nahambalos na 7 gold at 2 at silver, Oswen Kneret Bautista (6-2-0) at Mary Joyce Dabalos ((5-2-1).

Wagi si Bolambao sa Sayaw/Carenza 18-39 years Men Double Stick Musical sa 29 points, Padded Point 18+ years M -53.0kg, Padded Continuous 18+ years M -73.0kg, Single Stick 18-39 years M -51.0kg, Double Stick 18-39 years M 53.1-58.0kg, Team Sparring 18+ years kasama sina Jeffrey Navarrete at Bautista, at sa Bangkaw 18-39 years M -53.0kg.(Ramil D. Cruz)

Sports