Mga Bata ni Goma Bokya na Naman!

by | Jul 29, 2018

GAYA sa Junior and Cadet World Championships sa Italy noong Abril at sa 22nd Asian Championships sa Thailand nung Hunyo, wala ring nabitbit na medalya sa 15th World Championships sa Wuxi, China nitong Hulyo 19-27 ang mga bata ni Philippine Fencing Association, Inc. president Richard ‘Goma’ Gomez.

Laglag-balikat na nagbalik sa bansa ang Pilipinong 11 eskrimador na ang partisipasyon sa nasabing mga event ay parte ng kanilang preparasyon para sa susunod na buwang 18th Asian Games 2018 sa Jakarta-Palembang, Indonesia.

May pinakamagarang pinakita sa Nationals sa China si Samantha Kyle Catantan na umabot sa senior women’s foil individual round-of-64 tapos magrehistro ng 4-2 win-loss record sa Pool 2.

Pero nabulilyaso siyang makarating sa Last 32 dahil sa 4-15 defeat kay Italian Alice Volpi upang magkasya sa overall 63rd place sa 108 entries kung saan ika-74 at ika-75 ang mga kakwadra niyang sina Justine Gail Tinio at Maxine Isabel Esteban.

Tinagpas muna ni Catantan sa pool matches si Barbara Ojeda ng Spain, 15-13, natalo kay Eline Rentier ng Netherlands, nanalo kay Kikochi Komaki ng Japan, nagwagi kay Irem Karameti ng Turkey, nanaig kay Ploypaylin Thongchampa ng Thailand, at yumuko kay Alicia Ji Yeon Kwag ng Australia.

75th din ang tinapos ni Christian Jhester Concepcion sa may 120 naglabanan sa senior men’s saber, na rito’y 96th si Eric Brando. Nasa 78-84-86 sa 142 bets ng sr. men’s foil sina Nathaniel Perez, Michael Nicanor at Lawrence Everett Tan, ayon sa pagkakahilera.

Nasa ika-100 si Hanniel Abella at ika-104 si Anna Gabriela Estimada sa 121 nag-espladahan sa sr. women’s epee;  168th si Reynaldo Perez, Jr. at 179th si Reynaldo Perez, Jr. sa sr. men’s epee.

At ika-20 sa 21 kasali ang sr. team women’s foil nina Catantan, Esteban at Tinio samantalang ika-25 ang sr. team mmen’s foil nina Nicanor, Nathaniel at Everett sa 26 na kalahok. (Ramil D. Cruz)

Sports